Nov 12, 2005

nov 12 2005

Sa Huli
ni R. Anonuevo

Masyado nang sumusuot sa balat ang lamig.
Parang nanunukso lang ang pagsulpot sulpot
ng araw ganitong Abril sa London.
Kailangan ko nang umalis.
Tama na ang isang linggong
pagtingala sa mga palasyo at katedral.
Pag lumabis pa ritoy lilisan
na akong ang bigat na baon
ay hindi lang damit at pinamiling sapatos,
kundi hinihilang loob, na parang balat na napupuknat,
napipilas sa pinakamalalim na laman,
nahihilam sa biglang pulandit ng dugo,
namimintig sa mga luhang umiiwas mahuli
sa tarangkahan ng nakatanod na pamamaalam.